KAPE
- tinpee07
- Jun 13, 2020
- 4 min read
Malakas ang tikatik ng ulan. Sa bawat hagod ng kape sa aking lalamunan, unti-unting napapawi ang lamig sa aking kalamnan. Maingay sa labas, nakakatulig at nakakapaghatid ng munting kaba ang mga kulog at kidlat. Sa pagdungaw ko sa bintana, isang buntung-hininga ang kumuwala sa akin. Nagbabadya na naman ang baha, sumisilip na sa bunsuran ng aming tahanan. Muli kong hinipan at nilagok ang kapeng nasa aking tabihan. Malamig ang hangin subalit ibang pakiramdam ang sa aki'y inihahatid. Kelan ko ba huling naranasan ang ganito? Noong isang taon? Nakaraang dalawang taon? Hay...hindi ko na matandaan. Kelan ko ba huling naranasan ang damhin ang lamig ng dulot ng ulan? Kelan ko ba huling pinapasok ang lungkot na sa tuwina'y kasama nya sa aking pintuan? Kaydilim ng paligid subalit hindi ito alintana ng aking mga daliri habang paligsahan itong tumitipa at umuukit ng mga letra upang maghatid ng damdamin. Sa muli kong pagtingin sa labas, muli hinayaan kong maglakbay ang aking diwa pabalik sa nakalipas. Kayrami ng nagbago sa buhay ko. Wala sa aking hinagap na kayrami palang kayang baguhin ng dalawang taon. Mula sa pagiging 'jeje' ay heto ako, mas seryoso na sa bawat surpresa ng buhay. Dalawang taon na rin pala ang nakalilipas mula nung nangarap akong maipagmalaki ng taong minamahal ko. Muli isang buntung-hininga ang kumuwala sa akin. Unti-unti ko nang naaabot ang aking mga pangarap. Unti-unti ko ng nararamdaman na karapat-dapat na akong ipagmalaki sa sinuman. Isang bagay na lang ang kulang at halos abot kamay ko na ninais ko dati, subalit wala ka na. Kay tagal kong hindi binuksan ang pintuan ko para sa mga ala-ala mo. Pilit kitang isinuksok sa pinakasulok ng pagkatao ko—sa pinakamadilim. Kinalimutan ko ang halos lahat tungkol sayo at nagtagumpay ako. Laging itinatanong ng mga tao kung bakit wala pa akong pinapasok sa buhay ko. Mga kiming ngiti lang ang isinasagot ko subalit kahit ako'y nagtatanong din kung bakit nga ba? Hanggang kagabi, parang may mga isip ang aking mga daliri at kusa nilang nilakbay ang isang blog na matagal ko ng nilimot. Isang blog na matagal ng nabaon sa kahapon. Blog na naglalaman ng tungkol sayo, sa atin. Libo-libong kaba na wari ko'y sumalakay sa aking dibdib. Ilang beses akong nagdalawang-isip hanggang sa yakapin na ng aking mga mata ang bawat titik...bawat salita...bawat emosyon. Parang gripo na nabuksan ang mga ala-alang rumagasa sa aking isipan. Muli kong naramdaman ang bawat saya, kilig, tamis, pait at sakit na dulot ng kahapon. Pakiramdam ko ay anumang oras tutulo ang nagbabantang luha sa aking mga mata habang wari ko'y muling nanariwa ang sugat sa aking dibdib. Masakit, literal itong kumirot. Ang tagal tagal na buhat nung bumuo tayo ng plano para sa hinaharap at sabay nangarap subalit heto parin ang kirot, parehong kirot na naramdaman ko noon. Muli kong natikman ang bawat pait ng aking hinaing—ng aking lumbay. Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib at ngumiti ng pilit. Kaya ko naman palang magmahal dati, kaya ko naman palang magtiis, magpakatanga at paulit-ulit na sumugal sa walang kasiguraduhan. Ngayon alam ko na ang kasagutan sa mga tanong ng hinaharap. Wala akong nililiyag sapagkat hindi ko pa kaya, sapagkat hanggang sa oras na ito na habang tumatalon-talon ang mga daliri ko sa bawat letra ay may kirot parin akong nadarama, sapagkat ako'y nasaktan ng labis at natatakot ng sumugal pa, sapagkat nasaktan man ako dati, yung sayo ay ibang iba. Sapagkat sa mga kwento ng pag-ibig at musika ng kahapon natin...naaalala padin kita, sapagkat ikaw parin ang sumasagi sa isip ko sa madilim na gabi habang nakatingin sa mga tala, sapagkat nalulungkot padin ako kapag nakikita ko ang singsing ng pinagsamang pangalan nating dalawa, sapagkat naghintay at nasaktan padin ako ng kaarawan ko ay hindi mo man lang naalala, sapagkat ikaw parin ang laman ng isip ko sa bawat hagdan, magandang bahay, aso't pusa na aking makita, sapagkat wari ko'y hindi pa sapat ang dalawang taon para ika'y malimutan na, sapagkat hanggang ngayon ako'y umaasa na kahit nasaktan natin ang isa't isa, isang araw ika'y mangangamusta, dahil ikaw ang nag-iisang taong idinasal ko at pinasalamatan kay bathala, dahil ikaw ang nag-iisang hiniling ko sa bulalakaw na habang-buhay na makasama, dahil ikaw ang nakapagpabago ng ilang pananaw ko sa buhay, dahil ikaw ang nakapagpawala ng kontrol ko pagdating sa pagkapit twina, dahil ikaw ang taong ginusto kong makasama sa hinaharap, dahil ikaw ang nakapagpa selos sakin ng sobra-sobra, dahil ikaw ang taong minahal ko at minamahal pa. Muli hinayaan kong rumagasa ang init hatid ng kape sa aking lalamunan. Gumitli ang pawis, lumandas sa aking mukha. Isang tunay na ngiti ang gumuhit sa aking labi kasabay ng pagpunas ko sa pawis. Magaan sa pakiramdam ang buksan ang kahapon

na nakatago sa pinakamadilim na parte ng isipan —ng puso. Nalakbay ang aking mga mata sa labas, hupa na ang pagmamaktol ng kalangitan at napinturan na din ng bughaw ang kalangitan. Malamig parin ang simoy ng hangin subalit ngayon hindi na lamig ang bumabalot sa aking kalamnan, kundi kapayapaan. Payapa na ang paligid gaya ng aking kalooban. Totoong masakit ang nakalipas subalit hahayaan kong tangayin ako ng haplos ng hangin patungo sa masayang hinaharap. Hindi man ngayon pero alam kong marami pang bukas na darating. Nakakasigurado akong papawiin ng panahon itong kirot sa aking dibdib—nagtitiwala ako. Tiningnan ko ang tasa sa aking tabi, wala ng laman. Muli sumilay ang matamis na ngiti sa aking mga labi. Salamat kape, ang tapang mo.
Comments