2017, please PAUSE
- tinpee07
- Apr 12, 2020
- 2 min read
Tila nang aakit ang gabi. Ng hindi sinasadyang mabuksan ng aking pagal ng kamay ang humahalinang bintana, unti-unti pumikit ang aking mga mata ng makadaupang palad nito ang malamlam ng liwanag ng buwan—ninanamnam ang katahimikan ng gabi. Tanging satsat lamang ng nagta trabahong bentilador ang aking naririnig. Wala na ang nagpapaligsahang boses sa madaldal ng telebisyon. Wala na din ang nakatutulig na tahol ng karami-raming aso ng kapitbahay. Malamang ay kagaya ng iba, mapayapa na nilang niyakap ang gabi. Gusto kong muling buksan ang bintana upang masilip ang mga bituin—makahiling. Pasukan na naman kase bukas at meron na lamang akong nalalabing ilang oras para damhin ang kapayapaan ng aking isipan. Ano kayang mangyayari sa linggong ito? Sana may kape akong katabi ngayon para matulungan akong hukayin ang mga emosyong nakatago sa aking isipan. Hayyyy...hindi ko alam kong anong patutunguhan ng pagsusulat kong ito, ang tanging alam ko lang ay gusto kong magsulat. Excited na ako sa darating na bakasyon. May mga plano ng gala pero ewan ko, parang mas nais ko pa ang matulog na lang at magbasa pagkagising. Nakakatawang isipin pero lagi na lang akong tulog pag weekend. Pakiramdam ko pagod na pagod ako lagi. Grabe naman kase si 2017, laging nagbibigay ng oportunidad na umuubos ng katas ko 😂. Ang dami dami kong gawain, may mga responsibilidad na binigay sakin na pakiramdam ko hindi ko naman kaya, pero laban lang. Nakaka miss yung dati. Yung pagdating sa bahay text ka lang, chat at telebabad. Nakaka miss yung pakiramdam na pag gising mo nakangiti ka na agad kase parang ang gaan gaan lang ng lahat. Nakaka miss yung dati nung parang teenager ka lang. Ngayon, ang dami ng nagbago. Sa isang maghapon hindi ko na nabibigyan ng pansin ang cellphone ko na karaniwan wala namang load. Hindi magrereply sa mga nagtetext kase tinatamad at wala ulit load. Nag cha chat din minsan pero bilang na bilang at wala ng katelebabad kase ubos oras. Kasama ba sa pagtanda yung parang wala ka ng maramdaman sa lahat? Yung pilit mong iniintindi na lang ang mga bagay bagay pagkatapos mong maghimutok sa mga kasama mo sa trabaho? Hayyyy...dumadami na lalo ang tighawat ko, umiitim at lalong tumataba ako dahil sa stressed na nararamdaman ko. 😑 Sana kagaya nung mga dating kaibigan at kakilala ko, silang mga kasabayan ko, makapag move forward din ako sa buhay ko na maraming magagandang opportunity ang dumating. Kase parang ayaw ko na magturo. Ayaw ko na ng gantong buhay. Ang bata bata ko pero sobrang stressed na stressed na ako sa mga nangyayari. Tahimik padin ang gabi. Subalit nawala na ang sigla nito. Unti-unti nading sumisigid ang lamig sa aking kalamnan, humahaplos sa aking mga pisngi, wari ba'y nagsasabing mawawala din ang aking mga dinaramdam. Biglang lumiwanag ang kanina'y aking malamlam na mata ng matanaw ka. Ikaw, na paborito kong kasama sa gabi at umaga. Halika na at hawakan mo ang aking mga kamay. Wag na sanang magdalawang isip na tangayin ako sa pagpikit ng aking mga mata.
Comments